Bumalik ang Musang may kurot sa tadyang.
Nakagugulantang.
Pawang nagmula sa batis o masahian,
kinumusta ako nang may kalandian.
Ako'y napanganga; kinabog ang ganda ng haring
pinagpala ng maraming tagasuyong
nagbuhat sa iba't ibang bayan
upang hanapin ang natatanging
magpapalaya sa kanila sa kaapihan
ng pag-iisa.
Minsan nya akong dinala sa mapupulang lansangan
ng pag-aalinlangan. Nakipaglandian sa katwiran.
Nilaro ang dibdib ng kasibulan. Kinangkang
at kinamkam ang hiyas ng kahinhinan at kahinaan. Ngayon
tinutulak akong tawirin ang tulay ng panunugis,
pagbangon at pagtatagumpay. Hinahayaan akong
baybayin ang birheng kakahuyan at suyurin
ang madidilim na sulok ng kalibuga't
Sadyain ang salasalabat na landas na bihirang
sulyapan ng mga silahis ng araw.
Sinuway ko siya na parang anak sa madrasta.
Pinili kong iguhit ang mundo
sa kulay ng aking paraiso - isang bahagharing
ipinangako sa sariling hindi na muling
magbabaha ng luha o luluhod ang mga tala
kapag ang puso'y tinapon sa hangin.
No comments:
Post a Comment